Paano kung isang ganitong kaliit na hour glass ang magiging sukatan ng buhay mo? Ano ang uunahin mo? Paano mo hahatiin ang oras mo sa mga taong mahahalaga sayo? Paano mo maipapakita na mahal mo talaga sila? Magagawa mo kayang bigyan sila lahat ng attensyon kahit na may bumabagabag sa puso’t isip mo. Makakaya mo bang sulitin ang mga nalalabing oras mo. Uunahin mo pa ba ang sarili mong kaligayahan o ilalaan mo na lang sa mga taong nagpasaya ng buhay mo nung oras na masaya’t nanghihina ka? Hahayaan mo bang iwan sila ng may mga bakas ng ngiti pero sa ilang oras na lilipas ay bakas ng kalungkutan ang nanaig sayo at maaring manaig din sa kanila kapag nawala ka. Iiwan mo ba sila ng ngiti’t pag-asa o sasabihin mo kung ano ang kalagayan mo.
Paano kung isang ganitong kaliit na hour glass ang magiging sukatan ng buhay mo? Makukuha mo na bang patawarin ang lahat ng nanakit sayo? Makukuha mo na bang intindihin ang mga bagay na ayaw mong intindihin? Bibigyan mo parin ba ng oras sila kahit na sinaktan ka nila? Pero paano kung bibigyan ka pa ng pagkakataon at hahayaan kang baligtarin ito. Gagawin mo pa ba? Kahit na alam mong mauubos din ang buhangin nito. Kahit na alam mong ilang oras lang ay mawawala ka na rin sa kanila. Kahit gustuhin mo man kaso hindi na pwede.
Hihintayin mo pa ba na humantong ang buhay mo sa ganitong pagkakataon para magbago, magpatawad at magpahalaga. Hihintayin mo pa ba o magkukusa ka na para sa sarili mo.
No comments:
Post a Comment